dito ako dinala ng kalungkutan..

August 11, 2013 § 6 Comments

ang tagal na rin yung huli akong nagsulat dito. akala ko nga hindi na ako babalik sa pagsusulat pero eto ang naisip kong puntahan dahil sa kalungkutang nararamdaman ko ngayon. mabigat na masyado kaya kailangang ilabas.

dito nagsimula ang lahat. lumipas ang dalawang buwan, sinagot ko siya.

mga pangako..mga pangarap. umasa ako sa bawat salitang sinabi niya. sobrang saya lang nung simula. ang sarap tumingin sa hinaharap lalo kapag kasama mo yung taong minamahal mo.

isang buwan..dalawa..at ngayon ika-pitong buwan na namin bilang magkasintahan.

mga pangako..mga pangarap..hanggang sa paulit-ulit na pagbasa sa text niya, dun ko lang nararamdaman na minsan, minahal nga niya ko talaga.

 

“ayaw mo na ba?”

“hindi ko alam.”

“gusto mo pa ba ‘to ayusin?”

“ikaw, gusto mo ba?”

“ako gusto ko, ikaw ba?”

(sa pilit na tono) “gusto ko din”

 

alam mo yun, ayaw mo sanang magbilang. pero di mo maiwasang ikumpara yung dating siya at sa kung ano siya ngayon. sobrang layo. inisip ko, kung hindi ba ako nagpakita ng todong pagmamahal, magiging masigasig pa din kaya siyang makuha ang loob ko? pero, nagmamahal ako. nagmamahal lang ako. ipagkakait ko pa ba sa sarili kong magpakita ng pagmamahal?

 

“mahal mo pa ba ako?”

“ewan..siguro..”

 

tagos sa puso ‘to. pero, naiintindihan ko ang nararamdaman mo ngayon, mahal. iintindihin kita. kasi, pinili kong mahalin ka.

mahal kita.

 

napakahabang panahon ng pamamaalam.

February 17, 2013 § 8 Comments

January 5, 2013

Paano ba ito tinatapos?

Libro pa itong isinasara tapos itinatago na sa cabinet forever, friend na i-a-unfriend at i-blo-block tapos magpapalit ka ng account, ipis na tinatapakan, lamok na sinasampal.

Sobrang bano ko sa mga ganito, kasi pagkatapos mo, at yung dalawa ko pang naging girlfriends, wala naman talagang maayos na break-up sa lahat nang iyon.

Di ko alam kung anong pakiramdam mo, ninyo, nang gawin ko iyon.
Wala pang gumawa sa akin noon.

Sabihin mo mang masakit, di ko alam kung anong pakiramdam noon sa totoo lang.

Pero alam ko yung pakiramdam na makita mo ang mga taong mahalaga sa’yo,
naging mahalaga sa iyo, na umuusad sa pang-araw-araw na buhay nila na parang normal lang sila, may pinagkakaabalahan nang iba, mukhang nakahanap na ng bagong buhay, habang ikaw ay gabi-gabi pa ring chine-check ang facebook account nila at tahimik na nagwiwish, sana may mabanggit man lang siyang kahit anong post tungkol sa akin, kahit hint lang, kahit blind item, kahit anon a tungkol sa akin.

Kung nasa kalingkingan man lang iyon ng sinasabi mo, or rather, ng sinasabi ni Allan na sabi mo daw, na hirap o bigat nang tuluyang pag-usad mula sa pinagsamahan natin, hayaan mong ihingi ko iyon ng tawad.

Hindi ko sinasadyang manakit. Wala na akong magagawa, baka kamatayan ko na lang ang sagot, o ang magka-amnesia ka, if my mere existence is what punishes you, us, kasi hindi ko kayang mabuhay na iniisip na may buhay akong pinahihirapan dahil sa mga pinaggagawa kong hindi ko na rin naman maibabalik o mababawi pa.

Hindi kita gustong paasahin, dagdag pang pahirapan, hindi ko nga alam kung kailangan pa ba talaga ang sulat na ito, dahil ang totoo, inaassume ko na lang na parang away-magkapatid lang sa bahay naming ang nangyaring gusot sa ating dalawa, lilipas na lang nang kahit hindi nagpapansinan, at one day, kapag binate mo na ako at binate na kita, ibig sabihin noon ay ayos na, kalimutan, o nalimutan, na natin ang lahat, at ang mga paliwanagan ay makakadagdag at makapagpapaalala lang na may masakit, na sa totoo ay baka wala na doon. Ghost feeling na lang, parang yung mga pinutol na paa at kamay na akala mo nandoon pa rin pero wala na talaga, nasanay ka na lang kasi habambuhay siyang nakakabit sa iyo, kaya kapag wala na akala mo mayroon pa.

Ako ang nagbago, maraming nangyari sa akin.

Marami akong hindi sinasabi sa iyo, sa kahit sino, noon man, at hanggang ngayon, at hindi ko kayang magmahal nang hindi nagtitiwala, kaya problema ko naman talaga ito, kaya wala kang dapat isisi sa sarili mo, dahil ang alam ko, bago naging tayo, noong naging tayo, at kahit noong wala na tayo, mabuti kang tao, nagtitiwala ka sa mga kaibigan mo, handa kang magbukas at magbigay ng parte o kabuuan ng sarili mo, kasi kaya mong magmahal ng mga tao.

Wala kang kasalanan.

Kung may kasalanan ka siguro, hindi sa akin, hindi sa relasyon natin, na ilang taon na ring nagiging bagahe sa iyo, kung hindi sa sarili mo, kasi nandoon ka pa rin kahit wala na ako, nang mas matagal kaysa sa inaasahan.

Pero sino ba ako para sabihing may mali sa ginawa mo?

Hindi nga iyon kasalanan, o kahit kamalian, mas kahinaan natin iyon, kahinaang tanggapin na isang natural na phase iyon, at tinitingnan nating isang impyerno na kinasasadlakan ng mga tanga, hunghang, lulong, adik, baliw, at sira ang ulo sa pag-ibig, ng buong proseso ng masalimuot sa paghihiwalay.

All in all, salamat pa rin sa pagiging civil mo sa akin, sa pagpipilit na maibalik kung ano ang nabuo bago pa maging tayo kahit hindi na tayo, kahit alam nating may hindi na mamamatay na something sa tuwing babanggitin ko ang Jona, kapag makikita nila tayong magkasama o magkausap, dahil nangyari na ang mga nangyari noon na nakasulat ng permanent sa ating mga bungo at sa bungo ng lahat ng nakakakilala s atin.

Salamat, pinilit mo ring huwag iparamdam at ipakta sa akin ang awkwardness, ang mga struggles mo sa buong proseso nito, siguro dahil alam mong introvertly didibdibin ko ang lahat kapag nakita kong hirap ka, at hindi ko mapapatawad ang sarili ko, siguro dahil kilala mo talaga ako bilang baliw-baliwang nag-aalaga rin ng bitterness.

Salamat, hindi naging matter of life and death, literally, para sa akin ang makita ka tuwing may barkada bonding, at ano pang tyansang magkakadaupang palad tayo ulit, pinadali mo ang lahat, ng sobra-sobra.

Salamat.#

– sulat ni unang pag-ibig. May 2006 kami naghiwalay.

anong masasabi ko? eto.

🙂

may dumating

December 6, 2012 § 17 Comments

hindi ko alam kung bakit ba kasi pinatulan ko ang ganitong klaseng senaryo.

wholesome friendship. unang kita. wala naman sa isip kong makipag-engage sa mga bagay na hindi ko pa gusto ngayon at hindi ko din naman naiisip..

pinapakiramdam ko ang sarili ko. alam ko ba ang ginagawa ko? nadadala ba ako sa hormones? nasa tamang pag-iisip ba ko nung pumayag akong magpaligaw?  bakit siya? sa dami ng lalaki sa mundo, bakit siya pa?

siguro kasi, matagal na rin yung huling may nagpakita ng honest appreciation sa’ken. yung may nagtatanong kung kumain na ba ako (samantalang ang juba ko para tanungin pa kung kumain na ko haha), yung mangangamusta ng buong araw ko, nag-aalala, nagpapakita ng pagpapahalaga sa akin bilang ako.

naka-set na ang utak ko, magtatrabaho lang ako dito sa saudi eh. walang kahit ano. tapos dumating siya. badtrip.

ngayon, hindi ko na alam. inaabangan ko na ang gabi-gabi niyang pagtawag. mga usapang wala namang sense pero may kung anong hatid saken na parang nakakapagpagaan ng mga araw na lumilipas. ayoko namang manghinala at magbigay agad ng konklusyon para sa mga nararamdaman ko. maaga pa masyado. basta ang alam ko masaya ako, ngayon.

pero siguro ang nakakahigit na dahilan kung bakit ko hinayaan ang sariling mapunta sa ganitong sitwasyon eh yung katotohanang Christian din siya. para saken yun ang pinakaimportante sa lahat.

ang mga kiming panalangin ko sa mga gabing nag-iisip kung ang buhay ko ba sa pansamantalang mundong ito’y susuungin kong walang kahawak-kamay ay nagkakaroon na nga ba ng kasagutan?

Lord, siya na po ba talaga si special someone galing sa Iyo?

pero maaga pa nga talaga.
wala pang ibang dapat gawin kundi maghintay..at patuloy na manalangin.

“Daughters of Jerusalem,
I charge you by the gazelles and by the does of the field:
Do not arouse or awaken love until it so desires.” – Solomon 2:7

🙂

wala akong maisip na title para dito

November 23, 2012 § 1 Comment

dahil ilang linggo nang constipated ang utak ko.

sermon para kay unknown

November 2, 2012 § 10 Comments

pasensya ka na kung wala na akong maipayo sayo, friend. alam kong masakit. alam kong mahirap. ang hindi ko lang maintindihan sa’yo eh yung pagsasabi mo lagi na okay ka lang. kasi alam kong hindi. spill that out friend, baka malason ka ng pagkimkim ng sakit, at galit.

pinag-usapan natin yung nararamdaman mo. oo, yung sakit na nararamdaman mo dahil sa ginawa niya. yung mga pagtataka natin kung bakit nangyare ‘tong paghihiwalay na ‘to. ngayon pang nasa ibang bansa ka pa. kung ano ba yung pagkukulang mo, na alam naman natin eh wala. tsaka inamin naman niya na siya yung may mali. dinadamayan kita, friend. pero nagtataka talaga ako kapag nagsasambit ka ng mga salitang may pahiwatig na hindi ka galit/nagagalit o nagbitter man lang sa kanya. ako naramdaman kong nagalit ka, nagbitter, kaya friend, wag mong i-deny yan. mas lalo ko kasing napapatunayan na nasa unang stage ka na ng grieving process – DENIAL.

hindi naman sa pinupush ko na magalit ka, o makaramdam ka ng negative ever dyan, gusto ko lang madaanan mo yung natural na proseso. sinaktan ka, syempre may brief moment ng galit/bitterness. then you can learn from that. pagpapakamartir kasi yung kinalalabasan friend, na malapit na kamag-anak ng pagpapakatanga.

nalaman natin na magkasama sila nung isang araw nung ex niya na alam naman natin eh walang ginawang mabuti sa kanya. i smelled something fishy, i told you that. then you said, stop. with please. dun ko narealize na may kinikimkim ka. merong something sa sarili mo na hindi mo inaamin. kaya friend, admit it. or else.

you have to go thru it. walang short-cut sa pagmu-move on. kaya itigil mo na yang pagsabi na, kung mapapalitan ka niya agad-agad ngayon din eh, okay lang sayo. kung saan siya masaya. hello?? halos apat na taon kayong nagsama. hindi naman yun basta-basta. kung paano mo nasasabi yang mga bagay na yan, ay ewan ko sa’yo. parang tinatapakan mo yung sarili mong puso. yan, ganyan.

friend, wala namang nagmamadali sa pagmu-move on. feel every moment of it. at malay natin eh, bigla siyang bumalik. maging hopeful ka pa din kahit papano. wag mong ipagdamutan yan sa sarili mo. hanggang sa dumating yung takdang panahon ng pagpapalaya. basta ngayon, maging totoo ka lang friend.

kung bakit ko ba ‘to nasasabi? kasi nakakapagsalita ako..

dito sa blog na alam kong hindi mo mababasa.
haha 🙂

lungkot

October 26, 2012 § 7 Comments

haaaaaaaaaaaay.

ang hirap talaga pag may problema sa pamilya tapos malayo ka.
tapos yung mapagsasabihan mo ng problema, may pinoproblema den. ayoko namang dumagdag pa sa mga isipin nun.
hindi ko naman naimagine na magiging ganito ang pamilya ko..

hay ayoko na talaga sanang isipin, nalulungkot ako. mahirap malungkot kapag nandito sa malayo.
punumpuno ang isipan ko ng mga pag-aalala pag mga ganitong pagkakataon. pero sabi nga:

“do not worry about anything, but pray for everything..” – philippians 4:6a

lagi yang pinapaalala ni Lord sa’ken.
pero minsan, naooverwhelmed talaga ako. lalo pag sunud-sunod. kaya nga parang ayoko na mag-facebook eh. ang dalas kasi akong sabihan ng bad news sa bahay. nakakapraning na ewan.

yung totoo, netong pagpunta ko dito sa gitnang silangan, parang wala na kong ibang gusto para sa sarili ko. gadgets, or anything. yung pagpapadala ng lahat ng sahod ko sa kanila, magtitira lang ng pangkain ko dito, okay na. pero kahit gaano kalaking pera ang maipadala ko sa kanila, hindi naman yun ang solusyon sa problema ng pamilya.

i want to be there. i have to be there. kahit na hindi naman ako panganay, kahit ako pa yung bunsong babae. eh parang naging instant ang paglevel-up ng maturity ko pagkaabroad ko. parang hindi pa sapat yung mga daily struggles na nararanasan ko dito ah. kung alam lang nila.. pero hindi ko pwedeng sabihin, gusto kong isipin nilang okay lang ako. mas importante naman yung nagaganap sa pamilya kaysa sa mga nagaganap saken dito eh. hay buhay..

pero naiisip ko talaga, pag sa mga ganitong panahon, eh yung paraan Niya para mas kumapit pa ko sa Kanya. na ang laki ng tiwala Niya sa’ken para hayaang maranasan ko ang mga bagay na ‘to. at naaalala ko lage, yung pagdating Niya.. tapos, wala na. wala na ‘kong mararamdamang pag-aalala.

kalungkutan.

“a time to weep and a time to laugh, a time to mourn and a time to dance..” – ecclesiastes 3:4

dear ex/bestfriend,

October 19, 2012 § 11 Comments

napanaginipan kita kagabi. hindi ko alam kung bakit. samantalang matagal ko nang itinigil ang pagi-stalk pagsilip sayo sa facebook. ayoko na sanang silipin eh. pero napanaginipan kita. naaalala ko na naman ang lahat. badtrip.

ano ng ganap sa buhay mo? shirt designer ka pa den ba? kasabay nung sabi mo na gusto mong pag-aralan, yung multimedia ek ek. dami mong pangarap, yun yung naisip ko nung sinabi mo yan. yung huling beses na nag-usap tayo tungkol sa buhay ng bawat isa.

kamusta ka dyan? active ka pa din sa youth ministry? muka naman. masaya ako. nasabi ko na ba sa’yo na isa ka sa ginamit Niya para magpush pa ‘ko sa spiritual life ko? parang hindi pa. pero for sure, matutuwa ka din kung sakaling malaman mo ‘to.

dati, ako pa nagtuturo sayo maggitara. ngayon, kahit pagdadrums kayang-kaya mo na. natatandaan ko pa nga din yung off-tune na boses mo. pero ngayon, kasali ka na sa choir niyo. natutuwa ako. yung kantang “beautiful in my eyes”, bagay na bagay sa’yo yun. gamitin mo yung piece na yun pag sasali ka ng x-factor. 🙂

pasensya pala kasi hindi na natuloy yung pinagplanuhan natin nila ate na tshirt para dun sa teatro club niya. ikaw yung gagawa nung tshirt nun eh. dami mo na ding nagastos, kaya lang hindi na natuloy eh. hindi kasi natrip-an ni ate yung kulay na ginamit mo dun sa tshirt. hindi ko na sinabi sayo na hindi niya nagustuhan. siya lang naman yun eh. kasi saken, kahit ano okay pa den. biased talaga ako, pagpasensyahan mo na pare.

pare. ang tagal na rin yung huli nung tinawag natin ang isa’t isa na pare. at yung corny nating tawagan na toasted bread at cupcake. bat ba kasi kelangan ng tawagan? lagi tuloy kitang naaalala kapag naririnig ko yang mga yan.

nung nakita ko yung facebook status mo na di ka na in a relationship, inaamin ko, medyo natuwa ako. nakakaguilty. pero mas higit yung pagtataka. bakit? iniisip ko pa naman eh nagmature ka na simula nung kung ano yung natapos sa’ten. ikaw talaga. sayang naman. inisip ko pa naman na sana eh siya na yung huli mo. totoo. wala yang halong bitterness.

tapos ayun nga. napanaginipan kita kagabi. sinusuyo mo daw ulit ako. tapos ako, nagpapakipot. tapos ayun, nagising na’ko.

kamusta ka na? may natitipuhan ka na ba lately?

wala nga eh.. wala naman akong mahanap eh..

eh kung san-san ka pa kasi naghahanap, malay mo naman nasa tabi-tabi lang.

meron na nga akong gusto..wag mo muna sasabihin sa iba ha.

oo naman. sino naman yang gusto mo?

ikaw.

– circa 2009

serving two masters at the same time

October 18, 2012 § 9 Comments

kanina, habang ineexport ng isang kaibigan ang mga pictures niya galing sa multiply, muli akong naligaw sa masalimuot kong nakaraan. masalimuot talaga? slight. 🙂

opisyal na tanggera, taga-timpla ng kung anu-anong klase ng alak, bangka ng usapang lasing, dramarama sa gitna ng pagsusuka  at madalas na taga-aya ng inuman – yan ang nakaraan ko. wala akong halos pinalampas na inuman sessions nung college days ko. gustung-gusto ko ung kakaibang ligayang hatid ng alak. yung usapang wala namang sense pero nakakatawa kapag tinamaan na ko. yung drama, yung mga pagtatapat na nagagawa ko kapag kasama ko yung taong minahal ko. gustung-gusto kong uminom nun. ang nasa isip ko nun eh hindi masaya kapag walang alak na kasama. yan ay sa likod ng katotohanang tinanggap ko na Hesus bilang Panginoon at Taga-pagligtas. nabubuhay ako nun na punung-puno ng kompromiso. serving two masters at the same time, ang sarili ko at si Lord..

pilit kong pinagkasundo ang buhay ko kasama ang alak at ang buhay ko kasama Siya. ginagawa ang mga bagay-bagay para parehong ma-satisfy yung dalawa. akala ko talaga nun, posible. na okay lang yung ganung klase ng pamumuhay kasi sapat naman lagi ang pag-ibig Niya. na tatanggapin pa din Niya ako kahit na minsan eh mas napagsisilbihan ko ang tawag ng laman. inuman.

bible study pag saturday na minsan ay hindi napupuntahan dahil birthday ni ganito. mag-iinuman. a-attend ng sunday service kinabukasan na basag, o kaya’y puyat dahil galing sa usapang lasing. may panahon din nun na ako yung nakaschedule na praise and worship leader. pero imbes na ihanda ang sarili at boses para sa nakatokang gawain, ayun, nagpapakasasa ako sa alak at usapang lasing. bakit hindi ako magagalit sa sarili ko?

hanggang sa dumating yung araw na hindi na ako nalalasing sa kalahating litro ng RH, o kahit pa kalahating bote ng Empi. mas naghahangad na ang katawan ko. kaya mas itinodo ko pa yung inom. kaya mas nababasag ako pagkatapos. sa panahong ‘to naranasan ko yung pinakamatinding hangover sa buong buhay ko. hiyang hiya ako sa sarili ko nun. hiya na may kasamang galit. kung anong itsura ko, yung nagkalat kong suka sa hinihigaan ko. yung mga kinuhang litrato ng mga kaibigan ko habang nararanasan ko yung delubyo ng alak. nakakahiya. kaya simula nun, itinigil ko na. ang pag-inom? hindi. ang pag-inom ng todo.

compromise.

“Lord, konti lang naman po eh. para lang naman sa pakikisama..”

“pramis po hindi ako maglalasing..”

(tapos nung nalasing)

(habang nasa lababo, sumusuka) “God..ayoko na po nito..ayoko na po ng ganito. God, sorry po.”

ilang inuman sessions pa ang pinuntahan ko. sinusubukan ang sarili kung totoo bang handa na kong yakapin yung pagbabagong binibigay Niya. sa likod ng isipan ay ang takot na baka mawalan ako ng mga kaibigan, ng mga usapang masaya, ng lakas ng loob para masabi ang nararamdaman. kapag walang alak.

ang sabi ko sa sarili ko, kailangan kong maging totoo sa mga salitang binibitawan ko. kailangan ko ng mabigat na responsibilidad para maitulak ang sarili sa kabilang ibayo. doon sa buhay na hindi ako alipin ng alak. o ng tawag ng laman.

at si Lord, Siya yun. Siya yung gumawa ng paraan. ibinigay Niya ang responsibilidad na gabayan ko ang mga kabataan sa church namen. youth ministry leader. hindi basta – basta. mabigat na responsibilidad. pero di kasing bigat ng mga dalahin ng konsensya sa mga kompromisong nagagawa.

niyakap ko ng buong-buo yung ibinigay na pagkakataon sa’ken ni Lord. tinalikuran ko na ang paglalasing. ang pag-iinom. kahit isang baso, ga-lagok na alak, hindi ko na pinasayad sa labi ko. hindi na. ayoko na. alam kong sa Kanya, mas may ligaya akong mararanasan. sa Kanya, mas may lakas ako ng loob para magpahayag ng nararamdaman. at sa piling Niya, matatagpuan ko ang isang tunay na Kaibigan.

**********************************************************************************************************************

kanina, tiningnan ko yung mga litrato ng huling beses na nabasag ako ng todo. inaalala ko yung sarili ko dati. may nararamdaman pa din akong hiya, lungkot at inis sa sarili ko. pero tapos na yun. salamat sa Kanya. kasi ngayon, nalaman kong malayo-layo na rin pala.

tumingin sa nakaraan
malayo – layo na rin pala
dun sa umpisa

hindi naman
sa binabalak o naiisip
na tumigil at bumalik

namamangha lang
sa nakikitang distansya
malayo – layo na rin pala

Forgetting what is behind and straining toward what is ahead,
I press on toward the goal to win the prize
for which God has called me heavenward in Christ Jesus.
(Philipians 3: 12 – 14)

 

sa Kanya lahat ng papuri at pasasalamat. 🙂

mahirap umibig sa isang aktibista

October 13, 2012 § 4 Comments

mula sa usapin ng edukasyon para sa lahat
kalayaan sa pamamahayag
pagkakapantay-pantay ng mayaman sa mahirap
at no to up budget cut
ipinaglaban mo sila
eh kelan mo kaya ipaglalaban ang mayroong sa’ting dalawa?

mga anomalya sa eleksyon
anomalya sa pulitika
anomalya sa bawat sektor
ng pamahalaang matagal ka nang tutol sa pagkundena
lahat sila binigyan mo ng pansin
eh ako kaya? kailan mo pupukulan ng tingin?

halos lahat ng pagtitipon ng mga katulad mo’y
iyong pinuntahan
na minsa’y may barikada o kaya nama’y
tangke ng tubig na di kalinisan
masugatan ka ma’y ayos lang sayo
eh alam mo kayang mayroong nag-aalalang ako?

nakisigaw ka
sa lahat ng mga hinaing
maputol man ang litid
di mo yan batid
mas malakas
mas may tsansang maririnig ka
eh ang ipagsigawan (o kahit nga ibulong mo lang)
ang mga salita ng paglalambing, kailan kaya?

ang mga reklamo’y
ginawan mo ng tula
ginawan mo ng kanta
pinagpuyatan mong akdang
ihahandog sa masa
eh saken, wala ka man lang  ihahandog na pagsinta?

mula sa pinakasariwang balita
galing sa pinakabulok na problema ng bayan – ang kahirapan
ay alam mo
eh ang kahirapang umibig sa katulad mong aktibista
alam mo din kaya?

kul sana wainti tayeeba! (HBD daw)

October 10, 2012 § 8 Comments

dami kong nakain ngayong araw. pakiramdam ko sasabog ‘tong sikmura ko. pero hindi naman ako ganun ka – guilty. puro gulay kasi ang kinain ko. halos.

birthday kasi ni kaibigang syrian ngayon. syempre, naudyukan namin siyang maghanda. pero ambagan ang naging mode. sa head nurse yung falafel, talong na may nakakahumaling na sauce, tas french fries at chips na iba’t ibang hugis. sa mga doktor eh yung nilagang itlog at juice (kuripot talaga sila). tas yung kay kaibigang syrian eh yung kunafa (ata), tas vegetable salad na isang bandehado tas nagbake den siya ng cake. as in yung dough lang ng cake ha. reklamo pa ko? haha.

wala naman talaga akong balak ikwento yung mga pagkaing yan. yung paraan kung pano nila kainin yan, dun ako mas interesado.

ganito. ilalatag lahat ng yan sa isang lamesa. may kanya – kanyang lalagyan yang mga yan. tapos, papaikutan namen yan ng nakapormang patay – gutom (haha). tapos ayun! indulge na! kuha lang nung egyptian pita bread (para siyang nagaala – pouch pag hinati mo sa gitna), tas papalaman kung anong trip na palaman!

nung bday ko pa ‘to dito eh hehe di ko na napicturan yung kainan kanina gulo eh!

eto yung “pouch” ng lahat ng pagkain na nasa itaas. ansarap lang pag pinagsama -sama mo yung gulay, gulay at marami pang gulay!! hahaha 🙂

 

solb na solb lahat kaming kumakain kanina. bukod sa children’s party like mode (bitbit syempre ang mga junakis) eh kyeme kung anong itsura mo. ang gulo as in!! hindi ko madescribe ng maayos eh. basta. tapos special mention ko lang yung isa doktor na kasama nameng kumain. babae kasi siya, eh medyo may pagkakonserbatibo. kaya nakafully costume siya ng abaya plus tarha plus yung veil na mata na lang yung makikita. sa ganoong itsura siya kumakain. nakakatuwa (o tawa o awa) kasi nilulusot niya pa yung pagkain niya dun sa veil niya. ang hassle lang. eh pede naman siyang magtanggal ng takip sa mukha eh. siya lang yung doktor na ganun. yung mga kasamahan naman niya, hindi.

epektib din siguro sa diet ang kumain ng nakaganito ano? haha 🙂

ayun. nagtapos ang selebrasyon sa pagkain ng cake (totoong cake na ‘to na bigay ni head nurse worth 160 SR! yun eh 🙂 na syempre eh mabilis pa sa sandstorm naubos. at syempre ulit, walang arte – arte dito. kinakamay ang cake! san ka pa. haha 🙂

naging masaya naman si kaibigang syrian. yan ay sa kabila ng katotohanang lumalala na ang gyera sa kanila ngayon. kunek? hindi ko alam kung pano ‘to tapusin eh!

PS.

nag-ambag den kami ni kaibigang taga capiz ng 20SR worth na ice cream! solb! :9

PS2.

kanina ko lang kinain yung portion ko sa cake ni head nurse. ansaraaaaap. balanse ang tamis at asim. :9

PS3.

pinag-iisipan ko kung pag-iipunan ko bang bilhin siya o hindi.